Tuesday, July 28, 2009

Pagbaklas sa Imahen ni Superman Mula sa Mata ng mga Sinasagip


(Para sa walang sawang sumisigaw sa lansangan, nakikibaka, naghahanap ng pagbabago...para sa mga kayumanggi o kayumangging nahaluan ng puti...para sa mga walang pakialam...para sa mahilig makialam...para sa mga tanga at nagtatanga-tangahan...at higit sa lahat sa mga umiidolo kay Superman. Tamaan ang gustong tamaan, umilag ang gustong umilag, ma-inspire ang gustong ma-inspire, tumaas ang kilay ng mga may kilay...bahala kayo kung pano niyo tatanggapin ang artikulong ito. Basta ako bilang yorkie type ko lang i-post ito mula sa mga lumang libro ni Mommy. Na-curious kasi ako kung sino si Superman at si Super dog..bow wow! wow!)


At titingalain ng mga taong inaalipusta ang anyong pumupunit sa katahimikan ng kalangitan. Dumating na ang taong magwawakas sa kanilang panggigipuspos. Sa wakas, narito na rin ang tagapagligtas ng mga inaapi. Isang maputing lalaking nakakapa ng bughaw, naka-brief na pula at puting pang itaas na may nakasulat na titik "S," ang bababa mula sa kalangitan. Isang bisig ang nakasuntok sa kalangitan habang kipkip sa kabilang tagiliran ang isa pang nakakuyom na kamao. Sa isang iglap ay tutugisin ng lalaking naka-asul, pula at puti ang lahat ng masasamang loob. Walang nakaliligtas sa bilis ng kanyang takbo at kilos. Sinumang magtangkang tumakas sa kanyang lakas ay walang-salang lilipad sa ibang planeta't di na makakabalik nang buhay sa mundong ibabaw. O dili kaya'y magpapalipas ng kanyang nalalabing sandali kapiling ang mga uod at langgam sa ilalim ng lupa.


Sa bisa ng mahiwagang titik "S" na naka-plaster sa kanyang dibdib ay mapapalis ang lahat ng masasamang elemento sa mundo. Sa isang iglap, parang salamangkang nasabuyan ng kalutasan ang lahat ng suliraning kinakaharap ng tao. At lahat ng ito'y dahilan sa isang Superman.


Ngunit ipinanganak si Superman sa panahon ng kotseng nakabolga at mga buhok na naka-tease at spray net. Habang binobomba ang Pearl Harbor at ipinapanganak ang bomba atomika sa mga laobratoryo ay nakabandila sa katauhan ni Superman ang demokrasyang pinalalaganap ng Amerika. Sa Pilipinas ay malugod na tinatangkilik ang "benevolent assimilation" na dala ng Amerika. Madaling napapaniwala ang mga mamamayang ang mga Amerikano ang sugo ng Diyos at pinagpalang tubusin ang mundo sa harap ng lahat ng mga suliranin-sa ngalan ng demokrasya. Maluwalhating namahay ang mga ganitong kaisipan sa isipan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng idolong si Superman. At sa pamamagitan ng mga paglipad at pagsuntok ni Superman, nagawa ng mga Amerikanong negosyante na mapasakamay nila ang kalakhan ng industriya ng Pilipinas. Bumulusok ang ekonomiya, nagpalit ng mga presidenteng pawang maka-Amerikano at nalipol ang kaisipan ng mga mamamayan upang humimod sa dayuhang interes. At ngayon, habang nagbabadya ang digmaang nukleyar, inaaliw-aliw ang mga mamamayan ng mga aid at AIDS bilang tulong sa lumalalang pang kabuhayan. At lahat ng ito'y sa ilalim ng bandilang demokrasya.


At kung tunay ngang nasa kay Superman ang katugunan sa mga suliranin, ano't lalo pang nalulubog sa kahirapan ang mga mamamayan? Tunay nga kayang nakasalig pa rin kay Superman ang katubusan ng mga mamamayan? To be continued.....


Next post: Sikat pa ba si Superman? Pagbabagong-Imahen ni Superman


(It was published at Kultura, Cultural Center of the Philippines in 1990...by Glecy C. Atienza)

No comments:

Post a Comment