Wednesday, July 29, 2009

Sikat pa ba si Superman? Pagbabagong-Imahen ni Superman



S a dulang may dalawang tauhan, pinag-aralan at kinilatis ang reputasyon ni Superman bilang sugo ng kalangitan at tagapagligtas ng inaapi. Sa pagkakataong ito'y sinipat si Superman sa loob ng kanyang mundo, habang kasama ang kanyang paboritong karamay sa buhay na si Superdog. Nais malaman ni Superman kung anu-ano nang mga bagong tricks ang kayang gawin ni Superdog. At tulad ng isang mabuting aso, magpapasikat si Superdog ng kanyang bagong natutunang tricks. At higit pa roon ang gagawin ni Superdog. Sa pagtapon ni Superman ng patpat na inaasahan niyang ibabalik ni Superdog, dadalhin ni Superdog ang isang sagwan na kinuha niya sa isang mangingisdang pinatay niya. Natuwa si Superman sa bagong trick na ito. At simula na ito ng mahabang litanya ng mga bagong tricks na natutunan ni superdog tulad ng LIK o Lu-ok, Ihaw, Kilaaw, para sa mga kumokontra at kaaway ni Superman, ang paglikha ng mga investigating bodies para sa imbestigasyon ng pagkapaslang sa mga mass leader tulad nina Olalia at Alejandro (maxxy's note- at marami pang mga sumunod, ang iba'y hanggang ngayon kahit ang bangkay ay hindi pa rin natatagpuan), pagbubuo ng paramilitary troops tulad ng vigilantes upang maipalaganap ang demokrasyang ibinabandila ni Superman. Magsasagawa ng pagmamasid ng buong bansa si Superman upang matiyak kung tunay ngang napangalagaan ni Superdog ang kanyang reputasyon sa buong kapuluan. Lulan ng isang helikopter ay lilibot ang dalawa sa mga pulo at makatutuklas ng mga tanawing hindi kanais-nais para sa kanila. Nariyang makatanaw sila ng mga Pulang Armadong nagsasagawa ng treyning sa bulubundukin ng Mindanao. Sa pamamagitan ng teleskopyo'y tatama ang mga mata ni Superman sa mga naglalakihang mata at tiyan ng mga batang gutom sa Negros. Nariyan ding madaanan nila ang mga taong nagsisilikas sa kanilang mga bahay bunga ng mahigpit na militarisasyon. Magngingitngit si Superman sa kaniyang makikita. At sa pagitan ng hagupit at alimurang ibabagsak niya kay Superdog ay pababagsakin ng bala ang lulan nilang helikopter. Sa huli'y maghuhukay ng maghuhukay si Superdog pagka't ang mga pulgas na dati'y nakatira sa kanyang balahibo ay pumalibot na sa kaniya at nais magtayo ng sariling gobyerno. Padalhan man ng tulong ni Superman si Superdog ay mahirap na itong masagip pagka't tulad daw ng bansang Vietnam at Nicaragua, at marahil ay malapit na ang Pilipinas ay hindi na rin makukuhang isalba ang reputasyon ni Superman pagka't maging sa mga lugar na ito'y nakalimutan na rin siya bilang tanging tagapagligtas ng mga inaapi. Sa pagitan ng pag-iyak ni Superman, tuturuan nila ni Superdog ang mga manonoodng awit na "Thank you, thank youfor the aid" bilang katapusan ng bahagi ng isang kaiga-igayang dog's tricks show.

Masasabing ang Superman and Superdog ay isang matagumpay na pagtalakay sa isyu ng imperyalismo sa paraang malikahain at katuwa-tuwa. Sa pamamagitan ng imahe ng isang popular na super hero, nagawang talakayin ang isang masalimuot na isyu sa paraang payak. Akma ang paralelismo sa pagitan ni Superman at ng Imperyalismong Estados Unidos, pati na ang paggamit ng tula bilang isang alegoriya ng mga lokal na paper na kakutsaba ng mga imperyalista sa bansang kanilang sinasakop tulad ng Pilipinas. Sapol rin sa pagsasadula ang paglalahad ng mga manipestasyon ng mga isyung tulad ng kahirapan, low intensity conflict (LIC), crackdown at witch-hunting ng mga kilalang mass lider.

Mga Tulak at Kabig sa Pagbabagong-Imahen ni Superman

Mahusay ang pagkakagamit ng Superman bilang isang paralelismo ng Estados Unidos pagka't tunay ngang si Superman ay luwal ng kaisipang Amerikano at tunay namang instrumento sa pagpapalaganap ng kaisapang "benevolent" ng mga Amerikano. Maganda rin ang imaheng ito pagka't kung pag-aaralan ang mga katangian ni Superman ay matutuklasang ang mga kagalingang nakapagbubuklod-tangi sa kanya tulad ng X-ray vision, bilis na tulad ng kidlat, lakas na tulad ng lakas ng sandaang lalaki at ang kakayanang lumipad ay pawang paso na sapagka't sa kasalukuyan ay nakapagpaunlad na ng teknolohiyang nakahihigit pa sa kakayanan ni Superman. Maitatapat na ang laser vision sa kanyang X-ray vision at kayang-kaya nang isagawa ng bagong makinarya ang bilis at lakas na dati rati'y siya lamang ang nagtataglay. At tulad ng imperyalistang Amerikano, unti-unting natutuklasan ng mga taong dati'y tumitingala sa kanya na hindi pala siya tunay na walang kapantay at hindi maaaring magapi. Ganito ang imahe ng imperyalista; sa loob ng mahabang panahon ay umasta itong di magagapi.

Gayunpaman, may ilang katangiang hatid ang paggamit ng Superdog bilang alegoriya ng mga lokal na kolaboreytor. Sa pamamagitan ng kasuotang dilaw, naipahihiwatig na ang mga nagdaang rehimen tulad ni Aquino (at ang kasalukuyang rehimeng Arroyo) ang gayong tauhan. At bilang isang aso, may mga namamatay na mga pulgas sa kanyang balahibo- iba't ibang kulay ang pulgas, nagpapahiwatig ng iba't ibang pulutong ng mga paninindigang pampulitika sa Pilipinas. Kung tutuusin, madali nang maunawaan ang imahe ng aso bilang sunud-sunuran sa among Estados Unidos (Superman). Ngunit sa imahe ng pulgas na may patungkol sa mga mamamayang may iba't ibang paninindigang pulitikal, tila nagpapahiwatig na ang mga mamamayan (pulgas) ay nabubuhay sa pamamagitan ng dugo o kabuhayang nasisipsip nila mula sa mga lokal na kolaboreytor (aso). Hindi nga ba sa tunay na buhay ay ang mga mamamayan ang bumubuhay sa mga lokal na kolaboreytor at sa bayan sa kabuuan sa pamamagitan ng kanilang tuwirang paglahok sa produksiyon sa lipunan? Dagdag pa rito. sa bandang huli, ang pagtuturo ng dalawa ng isang awitin sa mga manonood ay tila nagkaroon ng implikasyon na ang mga manonood na inuuto ng dalawa ay dili iba kundi ang mga pulgas (mamamayan) na magbubuklod sa bandang huli at magnanais na mgtayo ng sarili nilang gobyerno.



No comments:

Post a Comment